Miyerkules, Pebrero 19, 2025

Ang makatang Percy Bysshe Shelley

ANG MAKATANG PERCY BYSSHE SHELLEY

hanga rin ako sa makatang Percy Bysshe Shelley
pagkat siya'y makatang radikal na masasabi
mithi kong tula niya'y isalin sa ating wika
upang mga katha niya'y mabasa rin ng madla

may nakita akong aklat siya ang tinalakay
di pa mahiram sa opis na pinuntahang tunay
radikal mag-isip lalo't itinaguyod naman
pantay na pamamahagi ng yaman sa lipunan

ang kanyang aktibismo't mga akdang pulitikal
ay mababasa kung gaano siya ka-radikal
napagnilayan din niya noon ang Rebolusyong 
Pranses, pati na ang pamumuno ni Napoleon

sumuporta sa himagsik laban sa monarkiya
sa Espanya, pati nang mga Griyego'y mag-alsa
laban sa imperyong Ottoman, makatang idolo
na itinuturing na sosyalista katulad ko 

sana'y mahiram ko't mabasa ang libro sa opis
na sana'y di anayin o kainin lang ng ipis
mahalagang talambuhay niya'y aking manamnam
inspirasyon siya kaya libro'y nais mahiram

- gregoriovbituinjr.
02.19.2025

Lunes, Oktubre 14, 2024

Si Stephen King at si Stephen Hawking

SI STEPHEN KING AT SI STEPHEN HAWKING
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa balarilang Filipino, dapat ang pamagat ay "Sina Stephen King at Stephen Hawking", subalit iyon ay ginagamit pag magkasama ang dalawang tauhang nabanggit. Tulad ng "Sina Pedro at Jose ay nagtungo sa Luneta" at hindi "Si Pedro at si Jose ay nagtungo sa Luneta." Pinaghiwalay ko at ginawang "Si Stephen King at si Stephen Hawking" na marahil ay di dapat sa balarilang Filipino, subalit kailangang gawin upang idiin o bigyang emphasis na hindi naman sila magkasama o magkakilala, dahil magkaiba sila ng larangan.

Subalit sino ba sila? Magkapareho ng unang pangalan - Stephen, at magkatugma ang kanilang apelyido - King at Hawking. Si Stephen King ay kilalang nobelista habang si Stephen Hawking naman ay kilalang physicist.

Si Stephen King ay Amerikano habang taga-Oxford sa Inglatera naman si Stephen Hawking.

Bilang manunulat at makata, kinagiliwan ko ang panulat ni Stephen King, lalo na ang kanyang paglalarawan hinggil sa paligid upang ipadama sa mambabasa ang pakiramdam nang nasa lugar na iyon. Kung ang pook ba'y Manila Bay, Luneta, karnibal o haunted house. Una ko siyang nabasa sa kanyang nobelang Pet Sematari. At nitong kaarawan ko'y niregaluhan ako ni misis ng kanyang librong On Writing. Sinusundan ko si Stephen King dahil, bukod sa husay niyang magsulat, ay nais ko pang mapaunlad ang aking panulat.

Bilang dating estudyante ng B.S. Mathematics sa kolehiyo (undergraduate at kursong iniwan ko dahil nag-pultaym sa pagkilos bilang tibak), kinagiliwan ko rin si Stephen Hawking, na tulad ni Albert Einstein, ay kilala ring physicist. Nakita ko noon sa book store ang kanyang librong A Brief History of Time, subalit hindi ko nabili dahil sa kawalan ng sapat na salapi. Hanggang nang balikan ko iyon ay wala na, ubos na. Halos magkaugnay naman ang sipnayan (matematika) at liknayan (physics) kaya nais ko ring mabasa ang kanyang akda. Marami siyang sulatin sa physics na nais kong mabatid.

Dahil sa pagbabasa ng nobela ni Stephen King ay nakagagawa ako ng maikling kwento hinggil sa buhay at pakikibaka ng mga maralita at api sa lipunan. Kadalasang nalalathala ang mga kwento kong iyon sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Kalakip ng sanaysay na ito ang kuha kong litrato ng kanilang aklat at aklat hinggil sa kanila.

Nabili ko ang aklat na The Green Mile Part 5: The Night Journey ni Stephen King sa BookSale sa Fiesta Carnival sa Cubao noong Disyembre 28, 2019. Nabili ko naman ang aklat na Stephen Hawking: A Life in Science nina Michael White at John Gribbin sa BookSale, SM Megamall noong Hunyo 8, 2024.

DALAWANG IDOLONG MAGAGALING

Stephen King at Stephen Hawking
dalawang idolo kong bigatin
sa larangan nila'y magagaling
pati na sa kanilang sulatin

inaaral ko ang magnobela
si Stephen King ang binabasa
sinubukan kong maging kwentista
pag nahasa, sunod na'y nobela

ang hilig ko noon ay sipnayan
sa kolehiyo'y pinag-aralan
kinagiliwan din ang liknayan
akda ni Stephen Hawking naman

salamat sa mga inidolo
sa pag-unlad ng kakayahan ko
ngayon nga'y nagsusulat ng kwento
sa Taliba nalathala ito

mithing panulat pa'y mapahusay
kaya sinusundan kayong tunay
Stephen King at Hawking, mabuhay
ako'y taospusong nagpupugay

10.15.2024

Biyernes, Abril 7, 2023

Sino ang awtor na si H. P. Lovecraft?

SINO ANG AWTOR NA SI H. P. LOVECRAFT?
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dahil sa kagustuhan kong mag-aral ng ibang estilo ng pagkukwento ay nakita ko sa bilihan ng aklat ang Selected Stories ni H. P. Lovecraft. May dating ang apelyido niya dahil sa salitang LOVE. Dalawang pinagdugtong na salita: Love at Craft (pag-ibig at kasanayan, kundi man bapor). Mangingibig nga kaya ang awtor na ito, at matutunghayan ba ito sa kanyang mga sulatin?

Binili ko ang librong H. P. Lovecraft Selected Stories sa Fully Booked sa Gateway, Cubao, noong Agosto 1, 2022, sa halagang P179.00. Ang aklat ay may sukat na 4.25" x 7", na umaabot sa 304 pahina, kasama ang 14-pahinang naka-Roman numeral, at 28-pahinang Classic Literature: Words and Phrases adapted from the Collins English Dictionary. Inilathala ito ng Collins Classics. Ganito ang pagpapakilala kay Lovecraft sa likod na pabalat ng aklat:

"H. P. Lovecraft (1890-1937) never achieved commercial success during his lifetime and died in poverty. He was posthumously recognised as one of the most important writers of the horror genre, having laid the foundations for generations to come and inspired countless authors with his wildly imaginative stories of myths, monsters and madness."

Wow! Nakakabilib di ba? Lalo na yaong pariralang "inspired countless authors with his wildly imaginative stories" na talagang babasahin mo siya.

Sinubukan ko itong isalin sa wikang Filipino: "Si H. P. Lovecraft (1890-1937) ay di nakapagtamo ng komersyal na tagumpay noong nabubuhay pa siya at namatay sa kahirapan. Namatay na siya nang kinilala siya bilang isa sa pinakamahalagang manunulat ng mga akdang katatakutan, na nakapaglatag ng mga pundasyon para sa mga darating na henerasyon at nagbigay inspirasyon sa hindi mabilang na mga awtor sa pamamagitan ng kanyang mga malikhaing kwento ng mga alamat, mga halimaw, at kabaliwan."

Ang aklat na nabanggit ay naglalaman ng sampung kwento sa 262 pahina, na pamantungan o average ay 26 pahina bawat kwento. Ang pinakamaikli ay ang kwentong Dagon na may pitong pahina, habang ang pinakamahaba naman ay ang kwentong The Dunwich Horror na may 53 pahina.

Ang sampung kwentong ito at ang mga pahina ay ang mga sumusunod:
a. Dagon - p. 1
b. The Statement of Randolph Carter - 8
c. Herbert West - Reanimator - 16
d. The Outsider - 54
e. The Colour Out of Space - 62
f. The Call of Cthulhu - 97
g. The Silver Key - 134
h. The Dunwich Horror - 149
i. The Haunter of the Dark - 202
j. The Thing on the Doorstep - 231 

Ayon pa sa aklat, ang buo niyang pangalan ay Howard Phillips Lovecraft at isinilang sa Providence, Rhode Island noong 1890. Pinalaki siya ng kanyang lolo't lola, dahil ang kanyang ama'y nasa ospital dahil sa sakit sa utak. Bata pa'y nabasa na niya ang Grimm's Fairy Tales, mga akda ni Edgar Allan Poe, hanggang sa Metamorphoses ni Ovid (na iba pa pala sa Metamorphosis ni Franz Kafka). Sa gulang na siyam na taon ay nakapaglathala na siya ng magasing The Scientific Gazette.

Subalit siya'y masasakitin noong bata pa at nakaranas ng ilang ulit na nervous breakdown, o kalagayan ng pagkakasakit at nerbiyos na resulta ng matinding depresyon o pagkabalisa. Nang mamatay ang kanyang lola noong siya'y anim na taong gulang pa lang, siya'y madalas na binabangungot. Makalipas pa ang ilang taon, namatay naman ang kanyang lolo, at nadama niyang siya'y kaawa-awa. Kaya nasabi niya noon na siya'y nawalan na ng anuman (I have none!).

Hanggang naging mapag-isa na siya, di na nakihalubilo sa mga kaibigan at kaklase niya. Tumutok na lang siya sa agham at panitikan ng ikalabingwalong siglo. Nagpadala na siya ng mga liham sa mga pulp-fiction magazines at sa buwanang kolum hinggil sa astronomiya sa Providence Evening News. Noong 1914, naimbitahan siyang sumali sa United Amateur Press Association. 

Ang magasing The Vagrant ang unang naglathala ng kanyang akdang "The Alchemist" (na kaiba pa sa The Alchemist ni Paolo Coelho). Sinulat niya ang The Alchemist noong 1908, at nalathala noong 1916. Ang iba pa niyang akdang inilathala ng magasing The Vagrant ay ang "The Beast in the Cave" (na sinulat niya noong 1905) at nalathala noong 2018. Sumunod ay ang mga kwentong "The Tomb" at "The Statement of Randolph Carter". Noong 1919 ay nalathala ang "Dagon" kung saan dito nagsimula ang mga kwentong Cthulhu kung saan nakilala si Lovecraft.

Patuloy siyang nagbabasa ng iba pang akda at awtor. Hanggang mabasa niya ang mga bantog na horror writer na sina M. R. James, Guy de Maupassant, ang fantasy writer na si Lord Dunsany, at si Edgar Allan Poe. Noong 1922 ay nakilala niya ang manunulat ding si Clark Ashton Smith.

Nang ilunsad noong 1923 ang magasing Weird Tales, kilala na si Lovecraft ng mga editor. Sa pagitan ng 1924-1926, upang lumakas pa ang sirkulasyon ng magasin, kinomisyon nila si Lovecraft na maging ghost writer (bagamat walang kredito) ng serye ng mga kwentong nauugnay kay Harry Houdini, na kilalang escape artist.

Noong 1921, pagkamatay ng kanyang ina, nakilala ni Lovecraft ang manunulat din at negosyanteng si Sonia H. Greene sa isang pagtitipon ng National Amateur Press Association. Nagpakasal sila noong 1924 at lumipat sa New York kung saan napaligiran sila ng iba pang manunulat ng pulp-fiction. Natanggap din siya sa Kalem Club, isang grupo ng mga like-minded na awtor na ang apelyido'y nagsisimula sa K, L, o M.

Nakilala siyang lalo nang inilathala na ang maimpluwensiyang "The Call of Cthulhu" noong 1928, at pumokus sa kanya ang mga kaibigang nakapaligid na bumubuo ng Lovecraft Circle. Kabilang dito sina Clark Ashton Smith, Robert E. Howard, at August Derleth, kung saan natagpuan nila sa "The Call of Cthulhu" ang tinatawag na "Cthulhu Mythos" na isang bagong buong kalawakan na may sariling templo ng mga sinaunang diyos, kung saan nagbuo na ng mga bagong kwento mula rito sina Derleth.

Subalit ang kanyang nobelang "At the Mountains of Madness" ay inayawan dahil sa napakahaba umano, pakiramdam niya'y bigo siya. Kaya hindi na niya naisumite pa sa magasin noong 1933 ang kanyang kwentong "The Thing on the Doorstep", na nalathala na lang roon nang siya na'y namatay.

Hindi naging matagumpay ang kanyang pag-aasawa at naghiwalay sila ng kanyang asawa matapos lang ang dalawang taon. Ramdam niyang may pagsisisi ang pagkakapunta niya sa New York, kaya naisulat niya sa kanyang Tiya Lillian noong 1926, "It is New England I must have - in some form or other. Providence is part of me - I am Providence... Providence is my home, & there I shall end my days." ("Isang Bagong Inglatera ang dapat kong kalagyan - sa anumang anyo o iba pa. Bahagi ko na ang Providence - ako ang Providence... Ang Providence ang aking tahanan, at doon ko nais manahan sa aking mga huling araw.")

Nang magkahiwalay na sila, umuwi na si Lovecraft sa kanyang bayan ng Providence, at doon nagpatuloy ng pagsusulat. Nabuhay siya sa pamamagitan ng kanyang mga namana. Hanggang mabatid niyang may kanser na siya noong 1937, habang nabubuhay siyang wala nang panggastos. At namatay siya sa edad na apatnapu't anim.

Sa isang sanaysay niyang isinulat noong 1927 ay ipinahayag niya: "The oldest and strongest emotion of mankind is fear, and the oldest and strongest kind of fear is fear of the unknown. (Ang pinakamatanda at pinakamatinding damdamin ng sangkatauhan ay takot, at ang pinakamatanda at pinakamatinding uri ng takot ay ang takot sa hindi nababatid.)"

Isinulat naman niya kay Clark Ashton Smith noong 1930: "The true function of phantasy is to give the imagination a ground for limitless expansion... ("Ang tunay na tungkulin ng pantasya ay upang bigyan ang imahinasyon ng batayan para sa walang limitasyong pagpapalawak...)"

Makahulugan ang mga isinulat niyang iyon para sa mga manunulat ng kwento sa kasalukuyang panahon. Kaya ang pag-aralan ang kanyang mga sulatin ay isang malaking tungkulin ng mga manunulat ng kwento tulad ng inyong abang lingkod.

Sa ngayon ay binabasa-basa ko ang mga kwento ni H. P. Lovecraft upang matutunan din ang ilan niyang estilo na magagamit ko sa pagsusulat. At marahil ay masundan din ang kanyang yapak sa usaping pagsusulat.

Martes, Nobyembre 22, 2022

Sa kaarawan ni Huseng Batute

SA KAARAWAN NI HUSENG BATUTE

taospuso kaming nagpupugay
sa iyo, Batute, isang tagay
tanging masasabi naming tunay
sa iyo'y mabuhay ka, mabuhay!

ang una raw nalimbag mong tula'y
pinamagatang Pangungulila
na sinulat mo nang batang-bata
sa dyaryong Ang Mithi nalathala

makatang pumuna sa lipunan
nang tayo'y sakop pa ng dayuhan
tinula ang mithing kalayaan
naging hari pa ng Balagtasan

ang puso mo pala nang mamatay
sa isang museyo raw binigay
sa kalaunan ito'y nilagay
sa libingan ng mahal mong nanay

O, makatang Batuteng dakila
kami sa tula mo'y hangang-hanga
dahil sa matatalim na diwa
lalo ang paghahangad ng laya

- gregoriovbituinjr.
11.22.2022

* litratong kuha ng makatang gala nang siya'y dumalo sa unang National Poetry Day na ginanap sa Manila Metropolitan Theater, 11.22.2022    

Biyernes, Nobyembre 18, 2022

Stephen Crane, awtor

STEPHEN CRANE, AWTOR

nangunguna siya sa realistic fiction
pagdating sa panitikang Amerikano
ang kanyang nobela'y punung-puno ng aksyon
at kanyang mga kwento'y umaatikabo

"The Red Badge of Courage" ay kaygandang basahin
"one of the great war novels of all time" ang sabi
doon sa obra maestra ni Stephen Crane
talagang mahusay pag binasang mabuti

apat na kwento niya'y kasama sa aklat:
ang The Open Boat, The Blue Hotel, The Upturned Face
at The Bride Comes to Yellow Sky, mabibigat
na paksang isinulat niya ng makinis

siya'y makata, nobelista, mangangatha
dalawampu't walo ang edad nang mamatay
na sa literatura'y kayraming nagawa
masasabi ko'y taospusong pagpupugay

- gregoriovbituinjr.
11.19.2022

Stephen Crane, mangangathang Amerikano, (Nobyembre 1, 1871 - Hunyo 5, 1900

Lunes, Marso 14, 2022

Ang makata

ANG MAKATA

tinuring mang makatang isang kabig, isang tula
ako'y makata ng lumbay na madla'y di matuwa
dahil sa katotohanang nilalantad kong kusa
yaong nangyayari sa lipunan, kayraming paksa

hinggil sa tunggalian ng kapital at paggawa
hinggil sa labanan ng mga api't mararangya
hinggil sa debate ng mga tutula't tulala
sa pagitan ng mga tutol sa trapo't kuhila

hinggil sa mga kapitalista at manggagawa
hinggil sa pingkian ng kanilang espada't dila
hinggil sa tunggalian ng magkakaibang diwa
o sa labanan ng prinsipyadong obrero't wala

tusong burgesya laban sa mga kaawa-awa
maluluhong elitista laban sa maralita
pagsasamantala sa mga dukhang dapang-dapa
hangga't may hininga pa, ako'y tutula't tutula

tinuring mang makatang isang kabig, isang tula
o kaya'y manunulang isang kahig, isang tuka
di ko na hangad na sa tula ko, madla'y matuwa
mahalaga'y nagsisilbi sa manggagawa't dukha

- gregoriovbituinjr.
03.14.2022

Martes, Enero 25, 2022

Sino si Isaac Asimov?

SINO SI ISAAC ASIMOV?
Maikling saliksik, sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

“In life, unlike chess, the game continues after checkmate.”
― Isaac Asimov

May mangilan-ngilan din akong nabiling aklat ng kilalang awtor na si Isaac Asimov. Bata pa ako'y nakikita ko na ang kanyang mga aklat sa mga tinatambayan kong bookstore. Isa siyang kwentistang nasa genre ng agham, o sa ibang salita ay science fiction writer.

Subalit sino nga ba si Isaac Asimov at bakit kinagigiliwan ang kanyang mga akda ng iba't ibang tao sa buong mundo?

Si Isaac Asimov ay isang manunulat na Ruso-Amerikano. Pareho sila ng kurso ng ate kong panganay - biochemistry. Guro rin ng biochemistry si Asimov. Isa siya sa itinuturing na "Big Three" science fiction writers, kasama sina Robert A. Heinlein at Arthur C. Clarke. Isinilang siya noong Enero  2, 1920 sa Petrovichi, Russian SFSR, at namatay noong Abril 6, 1992 sa Manhattan, New York City, sa Amerika.

Nakabili na ako noon ng ilan niyang mga kwentong agham. Ang iba'y nasa hiraman at ilan ang nasa akin pa. Tulad ng nobela niyang The Caves of Steel na nabili ko sa BookEnds sa Lungsod ng Baguio noong Nobyembre 12, 2021, sa halagang P120.00, nasa 270 pahina, at ang aklat niya ng labimpitong sanaysay na The Relativity of Wrong, na nabili ko sa BookSale noong Oktubre 26, 2020, sa halagang P50.00, nasa 240 pahina.

Nag-aral siya sa Columbia University, nakamit ang kanyang Bachelor of Science degree, at natanggap ang kanyang PhD sa chemistry noong 1948. Nagtuturo siya ng biochemistry sa Boston University School of Medicine hanggang 1958, nang mag-pultaym siya sa pagsusulat.

Nagsimula siyang magsulat ng science fiction sa edad labing-isa. Nalathala ang kanyang unang maikling kwento noong 1938. Ang kanyang aklat ng science fiction na Pebble in the Sky ay inilathala ng Doubleday noong 1950. Hanggang sa patuloy siyang nagsulat ng iba't ibang paksa, tulad ng math, physics, at may 365 aklat siyang nailathala. Nakatanggap siya ng maraming honorary degrees at writing awards, tulad ng isang espesyal na award na kinikilala ang kanyang Foundation trilogy bilang "The Best All-Time Science Fiction Series". At kinilala rin siya ng Science Fiction Writers of America bilang Grandmaster of Science Fiction.

Dahil isa siya sa paborito kong manunulat, inalayan ko siya ng munting tula:

ISAAC ASIMOV, IDOLONG MANUNULAT

isa sa Big Three ng science fiction writers ang turing
kay Isaac Asimov, manunulat na kaygaling
sa kaibang panahon niya tayo nakarating
tulad ng kwento niyang robot ang ating kapiling

isa sa awtor na binabasa ko tuwing gabi
pagkat ang kanyang mga akda'y nakabibighani
manunulat na, propesor pa ng biochemistry
kaya kabisado ng may-akda ang sinasabi

nabasa ko na siya sa bookstore bata pa ako
tungkol sa teknolohiya't agham ang mga kwento
three laws of robotics ay sinulat niyang totoo
si Isaac Asimov, manunulat kong idolo

sinusubukan ko ring magsulat hinggil sa agham
ngunit dapat kong magbasa ng aklat at panayam
bakasakaling maisulat ang kwento kong asam
at magbigay-aliw sa madla't problema'y maparam

mabuhay ka! pagpupugay! Sir Isaac Asimov
pagkat kung magsulat ka'y talaga namang marubdob
binabasa ka, robot man ang sa mundo'y lumusob
taospusong pasalamat mula sa aking loob

- gregoriovbituinjr.
01.25.2022

Mga pinaghalawan:
About the Author, mula sa aklat na The Cave of Steel ni Isaac Asimov, p. 269
About the Author, mula sa aklat na The Relativity of Wrong ni Isaac Asimov, p. 239 
https://lithub.com/what-to-make-of-isaac-asimov-sci-fi-giant-and-dirty-old-man/
https://www.goodreads.com/author/show/16667.Isaac_Asimov
https://www.nature.com/articles/d41586-020-00176-4
https://www.britannica.com/biography/Isaac-Asimov