Martes, Nobyembre 22, 2022

Sa kaarawan ni Huseng Batute

SA KAARAWAN NI HUSENG BATUTE

taospuso kaming nagpupugay
sa iyo, Batute, isang tagay
tanging masasabi naming tunay
sa iyo'y mabuhay ka, mabuhay!

ang una raw nalimbag mong tula'y
pinamagatang Pangungulila
na sinulat mo nang batang-bata
sa dyaryong Ang Mithi nalathala

makatang pumuna sa lipunan
nang tayo'y sakop pa ng dayuhan
tinula ang mithing kalayaan
naging hari pa ng Balagtasan

ang puso mo pala nang mamatay
sa isang museyo raw binigay
sa kalaunan ito'y nilagay
sa libingan ng mahal mong nanay

O, makatang Batuteng dakila
kami sa tula mo'y hangang-hanga
dahil sa matatalim na diwa
lalo ang paghahangad ng laya

- gregoriovbituinjr.
11.22.2022

* litratong kuha ng makatang gala nang siya'y dumalo sa unang National Poetry Day na ginanap sa Manila Metropolitan Theater, 11.22.2022    

Biyernes, Nobyembre 18, 2022

Stephen Crane, awtor

STEPHEN CRANE, AWTOR

nangunguna siya sa realistic fiction
pagdating sa panitikang Amerikano
ang kanyang nobela'y punung-puno ng aksyon
at kanyang mga kwento'y umaatikabo

"The Red Badge of Courage" ay kaygandang basahin
"one of the great war novels of all time" ang sabi
doon sa obra maestra ni Stephen Crane
talagang mahusay pag binasang mabuti

apat na kwento niya'y kasama sa aklat:
ang The Open Boat, The Blue Hotel, The Upturned Face
at The Bride Comes to Yellow Sky, mabibigat
na paksang isinulat niya ng makinis

siya'y makata, nobelista, mangangatha
dalawampu't walo ang edad nang mamatay
na sa literatura'y kayraming nagawa
masasabi ko'y taospusong pagpupugay

- gregoriovbituinjr.
11.19.2022

Stephen Crane, mangangathang Amerikano, (Nobyembre 1, 1871 - Hunyo 5, 1900

Lunes, Marso 14, 2022

Ang makata

ANG MAKATA

tinuring mang makatang isang kabig, isang tula
ako'y makata ng lumbay na madla'y di matuwa
dahil sa katotohanang nilalantad kong kusa
yaong nangyayari sa lipunan, kayraming paksa

hinggil sa tunggalian ng kapital at paggawa
hinggil sa labanan ng mga api't mararangya
hinggil sa debate ng mga tutula't tulala
sa pagitan ng mga tutol sa trapo't kuhila

hinggil sa mga kapitalista at manggagawa
hinggil sa pingkian ng kanilang espada't dila
hinggil sa tunggalian ng magkakaibang diwa
o sa labanan ng prinsipyadong obrero't wala

tusong burgesya laban sa mga kaawa-awa
maluluhong elitista laban sa maralita
pagsasamantala sa mga dukhang dapang-dapa
hangga't may hininga pa, ako'y tutula't tutula

tinuring mang makatang isang kabig, isang tula
o kaya'y manunulang isang kahig, isang tuka
di ko na hangad na sa tula ko, madla'y matuwa
mahalaga'y nagsisilbi sa manggagawa't dukha

- gregoriovbituinjr.
03.14.2022

Martes, Enero 25, 2022

Sino si Isaac Asimov?

SINO SI ISAAC ASIMOV?
Maikling saliksik, sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

“In life, unlike chess, the game continues after checkmate.”
― Isaac Asimov

May mangilan-ngilan din akong nabiling aklat ng kilalang awtor na si Isaac Asimov. Bata pa ako'y nakikita ko na ang kanyang mga aklat sa mga tinatambayan kong bookstore. Isa siyang kwentistang nasa genre ng agham, o sa ibang salita ay science fiction writer.

Subalit sino nga ba si Isaac Asimov at bakit kinagigiliwan ang kanyang mga akda ng iba't ibang tao sa buong mundo?

Si Isaac Asimov ay isang manunulat na Ruso-Amerikano. Pareho sila ng kurso ng ate kong panganay - biochemistry. Guro rin ng biochemistry si Asimov. Isa siya sa itinuturing na "Big Three" science fiction writers, kasama sina Robert A. Heinlein at Arthur C. Clarke. Isinilang siya noong Enero  2, 1920 sa Petrovichi, Russian SFSR, at namatay noong Abril 6, 1992 sa Manhattan, New York City, sa Amerika.

Nakabili na ako noon ng ilan niyang mga kwentong agham. Ang iba'y nasa hiraman at ilan ang nasa akin pa. Tulad ng nobela niyang The Caves of Steel na nabili ko sa BookEnds sa Lungsod ng Baguio noong Nobyembre 12, 2021, sa halagang P120.00, nasa 270 pahina, at ang aklat niya ng labimpitong sanaysay na The Relativity of Wrong, na nabili ko sa BookSale noong Oktubre 26, 2020, sa halagang P50.00, nasa 240 pahina.

Nag-aral siya sa Columbia University, nakamit ang kanyang Bachelor of Science degree, at natanggap ang kanyang PhD sa chemistry noong 1948. Nagtuturo siya ng biochemistry sa Boston University School of Medicine hanggang 1958, nang mag-pultaym siya sa pagsusulat.

Nagsimula siyang magsulat ng science fiction sa edad labing-isa. Nalathala ang kanyang unang maikling kwento noong 1938. Ang kanyang aklat ng science fiction na Pebble in the Sky ay inilathala ng Doubleday noong 1950. Hanggang sa patuloy siyang nagsulat ng iba't ibang paksa, tulad ng math, physics, at may 365 aklat siyang nailathala. Nakatanggap siya ng maraming honorary degrees at writing awards, tulad ng isang espesyal na award na kinikilala ang kanyang Foundation trilogy bilang "The Best All-Time Science Fiction Series". At kinilala rin siya ng Science Fiction Writers of America bilang Grandmaster of Science Fiction.

Dahil isa siya sa paborito kong manunulat, inalayan ko siya ng munting tula:

ISAAC ASIMOV, IDOLONG MANUNULAT

isa sa Big Three ng science fiction writers ang turing
kay Isaac Asimov, manunulat na kaygaling
sa kaibang panahon niya tayo nakarating
tulad ng kwento niyang robot ang ating kapiling

isa sa awtor na binabasa ko tuwing gabi
pagkat ang kanyang mga akda'y nakabibighani
manunulat na, propesor pa ng biochemistry
kaya kabisado ng may-akda ang sinasabi

nabasa ko na siya sa bookstore bata pa ako
tungkol sa teknolohiya't agham ang mga kwento
three laws of robotics ay sinulat niyang totoo
si Isaac Asimov, manunulat kong idolo

sinusubukan ko ring magsulat hinggil sa agham
ngunit dapat kong magbasa ng aklat at panayam
bakasakaling maisulat ang kwento kong asam
at magbigay-aliw sa madla't problema'y maparam

mabuhay ka! pagpupugay! Sir Isaac Asimov
pagkat kung magsulat ka'y talaga namang marubdob
binabasa ka, robot man ang sa mundo'y lumusob
taospusong pasalamat mula sa aking loob

- gregoriovbituinjr.
01.25.2022

Mga pinaghalawan:
About the Author, mula sa aklat na The Cave of Steel ni Isaac Asimov, p. 269
About the Author, mula sa aklat na The Relativity of Wrong ni Isaac Asimov, p. 239 
https://lithub.com/what-to-make-of-isaac-asimov-sci-fi-giant-and-dirty-old-man/
https://www.goodreads.com/author/show/16667.Isaac_Asimov
https://www.nature.com/articles/d41586-020-00176-4
https://www.britannica.com/biography/Isaac-Asimov

Biyernes, Hunyo 4, 2021

Sino si Florentino Collantes?

SINO SI FLORENTINO COLLANTES?
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong nakaraan lang, habang naglalakad galing sa U.P. Diliman papuntang Katipunan ay napadaan ako sa F. Collantes St. na nasa Barangay Loyola Heights sa Lungsod Quezon kaya agad akong nag-selfie sa karatula ng lansangang ito. Ipinangalan ang kalsadang iyon sa makatang Florentino Collantes na naging Hari ng Balagtasan nang talunin niya noon ang idolo ko ring makatang Huseng Batute o Jose Corazon de Jesus.

Tulad ko, mahilig din sa tula at pagtula si Florentino Collantes. Isa siyang dakilang makata. Nakilala ko ang makatang Florentino Collantes dahil sa kanyang anak na si Mam Loreto Collantes Cotongco na isa sa tatlong adviser namin sa aming campus paper sa kolehiyo. Ang dalawa pa'y sina Mam Romana Tuazon at Mam Cecilia Angeles.

Kaya nang makita ko sa National Book store ang pangalang Florentino T. Collantes ay agad kong binili ang aklat niya ng mga tula na pinamagatang Ang Tulisan at iba pang Talinghaga.

Bukod sa siya'y ama ng aming adviser sa diyaryong pangkampus, si Florentino Collantes ay kinilala ring duplero noong kanyang panahon. Kinilala rin siya bilang Ikalawang Hari ng Balagtasan. Ayon sa pananaliksik, gumamit siya ng sagisag na Kuntil Butil sa kanyang pagsusulat ng mga mapanudyong tula na may pamagat na Buhay Lansangan.

Katulad ko rin siyang ang horoscope ay Libra. Isinilang si Collantes noong Oktubre 16, 1896.

Sinasabi ng ibang sa pagbigkas ng tula ay may sarili siyang paraan na sinasabing tatak Collantes. Sinipi ko ang sinasabi sa Wikipedia hinggil sa kanya: "Ang kanyang mga tulang nasulat ay inuri sa tatlo - tulang liriko, tulang pasalaysay at tulang pambalagtasan. Higit na kinilala ang kanyang kahusayan sa pagsulat ng mga tulang pasalaysay. Halimbawa ng kanyang mga tulang liriko ay Ang Magsasaka, Pangaral sa Bagong Kasal, Patumpik-tumpik; sa tulang pasalaysay naman ay Lumang Simbahan at Ang Tulisan; sa pambalagtasan naman ay ang Balugbugan, Aguinaldo vs. Quezon, isang tulang pantuligsa sa larangan ng politika. Ang mga tula ni Collantes ay halos tungkol sa tao kaya karaniwan at madaling unawain."

"Bata pa lamang siya ay mahilig na siyang magbasa ng awit at korido at naisaulo niya ang buong pasyon. Sa gulang na 15 taon ay nagsimula na siyang tumula at sumulat sa mga pahayagang Buntot Pagi, Pagkakaisa, Watawat, Pakakak at iba mga babasahin. Siya ay kapanahon ni Jose Corazon de Jesus at mahigpit niyang kaagaw sa pagiging Hari ng Balagtasan. Binawian siya ng buhay noong 1951 sa gulang na 55."

Ayon naman sa The Kahimyang Project:

Today in Philippine History, October 16, 1896, Florentino Collantes was born in Pulilan, Bulacan (Posted under October Historical Events)

On October 16, 1896, Florentino Collantes, one of the Filipino poets who spearheaded the revival of the Tagalog Literature, was born in Pulilan, Bulacan to Toribio Collantes of Baliwag, Bulacan and Manuela Tancioco of Pulilan.

Collantes was among the group who organized the first Balagtasan in 1925 in commemoration of the birth anniversary of Tagalog poet Francisco Balagtas Baltazar on April 2, 1925. Held in Tayuman, Manila, four days of Balagtas' birth anniversary, the first ever Balagtasan included writers Rosa Sevilla and Jose Corazon de Jesus.

Florentino Collantes and Corazon de Jesus emerged as the most popular among several pairs of poets who joined the literary joust debating the subject "Bulalak ng Lahing Kalinis-linisan" (Flower of the Pure Race). Although Collantes was not acclaimed as “Hari ng Balagtasan” (King of the Balagtasan) which De Jesus bagged, he gained national fame as a poet.

Collantes' most memorable work, “Ang Lumang Simbahan”, became so popular that he expanded it into a novel which was later turned into a movie starring actress Mary Walter. The movie has been acclaimed as a classic in the Philippine Cinema.

His interest in poetry led him to write for the defunct Tagalog publications Buntot Pagi, Pagkakaisa at Watawat.

His other works that are now taught in schools all over the country are “Ang Magsasaka” (The Farmer), "Pangarap sa Bagong Kasal" (Dream for the Newly-Weds), “Mahalin ang Atin” (Love Our Own), “Ang Tulisan” (The Bandit), and “Ang Labing Dalawang Kuba” (The Twelve Hunchbacks).

Collantes died on July 15, 1951 at the age of 55, leaving behind his wife Sixta Tancioco and eight children. The year before his death, Collantes was conferred the title “Makata ng Bayan” (Poet of the People) by President Elpidio Quirino on July 4, 1950. References: Philippines News Agency

Mapalad akong nakadaupang palad ang kanyang anak na si Mam Loreto C. Cotongco na isa sa aming adviser sa pahayagang pangkampus, bagamat hindi ang mismong makatang Collantes. Si F. Collantes nga'y sadyang magaling na makatang habang binabasa ko ang ilan niyang tula ay tila baga siya'y gabay na liwanag sa bawat tula kong kinakatha.

Ang natatangi niyang aklat na Ang Tulisan at iba pang Talinghaga ay talaga kong pinakaiingatan. Dahil bukod sa ito'y collector's item ay bihira na itong makita sa mga book store, o marahil ay ubos na. At kayamanan nang maituturing ang aklat na iyon, na mabuti't nagpasiya akong bilhin iyon kahit na may kamahalan iyon noon.

Mabuhay ka, makatang Florentino T. Collantes, ikalawang Hari ng Balagtasan!

Pinaghalawan:
https://tl.wikipedia.org/wiki/Florentino_Collantes
https://kahimyang.com/kauswagan/articles/1312/today-in-philippine-history-october-16-1896-florentino-collantes-was-born-in-pulilan-bulacan

Huwebes, Hulyo 30, 2009

Amado V. Hernandez: Lider-Manggagawa, Manunulat, Makata at National Artist

AMADO V. HERNANDEZ
Lider-Manggagawa, Manunulat, Makata,
at Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan

“Sa aking piita’y hindi pumupurol ang lumang panulat, / bawa’t isang titik, may tunog ng punlo at talim ng tabak.” — Amado V. Hernandez, “Bartolina”

Sinaliksik at sinulat ni Gregorio V. Bituin Jr.

ISA SIYA sa kinikilalang dakilang Pilipino ng ating bansa. Siya’y isang manunulat, nobelista, makata, lider-manggagawa, at bilanggong pulitikal. Siya ng kanyang asawang si Atang dela Rama ang isa sa dalawang mag-asawa na kinikilalang National Artist ng Pilipinas.

Bata pa siya ay kinakitaan na siya ng hilig sa pagsusulat. Nang lumaon ay naging tanyag siya sa larangang ito. Mula 1926 hanggang 1932, sinubaybayan ng marami ang kanyang kolum na “Sariling Hardin”. Noong 1929, hinamon siya ng kanyang kaibigang makata na si Jose Corazon de Jesus sa debate sa balagtasan. Ang kay de Jesus ay nakalathala sa pang-araw-araw niyang kolum na “Mga Lagot na Bagting ng Kudyapi” sa pahayagang Taliba, habang ang kay Ka Amado naman ay sa kolum niyang “Sariling Hardin” sa pahayagang Pagkakaisa. Tumagal nang mahigit isang buwan ang kanilang makasaysayang Balagtasan hinggil “sa lumang usapin ng lahi”. Makaraan ang sampung taon, muling inilathala ito sa pahayagang Mabuhay Extra ni Teodoro Agoncillo na siyang editor nito.

Bilang manunulat, marami siyang natanggap na gawad-pagkilala. Noong 1938, ang kanyang narrative poem na Pilipinas ay nanalo ng Commonwealth Literary Award. Ang kanyang nobelang Mga Ibong Mandaragit ay nanalo ng Balagtas Award mula sa Cultural Center of the Philippines (CCP). Noong 1962, ang koleksyon ng tula na Isang Dipang Langit ay nanalo ng Republic Cultural Heritage Award. Ang tulang-kasaysayan na Bayang Malaya ay nanalo ng Balagtas Award noong 1969. Ang kanyang nobelang Mga Ibong Mandaragit ay maituturing na pagpa-patuloy ng nobelang El Fili ni Rizal.

Bilang mamamahayag, nakasama siya sa nabuong Philippine Newspapers Guild (PNG) noong 1945, na umanib sa Congress of Labor Organizations (CLO). Naging pangulo si Ka Amado ng CLO noong 1947.

Sa kanyang pamumuno, pinangunahan ng CLO ang welga ng 2,600 mga mang-gagawa mula sa Manila Trading and Supply, Co., Canlubang Sugar Estate, Metram Gomtawco Sawmill, Republic Sawmill, atbp. Noong 1948, sa pangunguna muli ng CLO, nag-aklas muli ang mga mang-gagawa sa malalaking kumpanya tulad ng Philippine Refining Co., Benguet Consolidated Mines, Luzon Brokerage, atbp. Nagawa rin nito ang kauna-unahang “stay-in” strike sa Franklin Baker, isang kumpanyang Amerikano. Noong 1949, may 83 welgang naisagawa, kung saan sa taon ding ito inilunsad ang ikaapat na Kongreso ng CLO, na ang kanilang gi-namit na islogan ay “Manggagawa at Seguridad!” at “Ibagsak ang Imper-yalismo!” Noong 1950 ay nagwelga ang 38,000 manggagawa.

Ang kamalayang pampulitika ng manggagawang kasapi ng CLO ay nasustina sa kanilang binuong “Workers Institute” na pinamahalaan ng Komite sa Edukasyon, Impormasyon at Panana-liksik.

Dahil sa kanyang pagiging aktibo at pagtataguyod sa kapakanan ng manggagawa, noong Enero 26, 1951, hinuli at ikinulong si Ka Amado. Limang buwang inkomunikado si Ka Amado sa Camp Murphy (ngayo’y Camp Aguinaldo) bago naiharap ang pormal na sakdal sa kanya noong Agosto 1951 sa salang “rebellion complexed with other crimes”. Ibinaba ang hatol na nagkasala si Ka Amado kaya’y siya’y nakulong ng limang taon at anim na buwan. Palipat-lipat siya ng kulungan sa Muntinlupa, Camp Murphy, Camp Crame, Fort McKinley, at Panopio Compound. Sa kulungan niya isinulat ang kanyang koleksyon ng mga tula, ang “Isang Dipang Langit”.

Noong Hulyo 26, 1956, pansamantala siyang nakalaya sa bisa ng lagak (bail), at noong Mayo 31, 1964, si Ka Amado ay napawalang sala.

Mula 1958 hanggang 1961, nakatanggap siya ng apat na Palanca Awards sa kanyang mga isinulat na dula.
Noong 1965, dumalo siya sa kumperensya ng mga mamamahayag na Asyano sa Indonesia, at nalathala ang kanyang ulat hinggil dito sa Taliba, kung saan nanalo siya ng NPC-Esso Journalism Award. Noong 1966, dinaluhan naman niya ang Afro-Asian Writers meeting sa Tsina. 1966 din nang dumalo siya sa International War Crimes Tribunal sa London kung saan ipinagtanggol niya ang Pilipinas sa bintang na ang kanyang bansa ay isang “war criminal” sa Biyetnam.

Noong 1967, tumakbo siyang konsehal ng Maynila ngunit natalo. Nagsulat siyang muli at naging editor ng Ang Masa.

Si Ka Amado ay namatay sa atake sa puso noong Marso 24, 1970. Noong 1973, iginawad sa kanya ang karangalan bilang Pambansang Alagad ng Sining (National Artist for Literature) ng Pilipinas.

Ilan sa kanyang mga isinulat ay ito:
1. Bayang Malaya (Tulang Kasaysayan)
2. Mga Ibong Mandaragit (Nobelang Sosyo-Politikal)
3. Isang Dipang Langit (Koleksyon ng Tula)
4. Luha ng Buwaya (Nobelang Sosyo-Politikal)
5. Tudla at Tudling: Katipunan ng Tula 1921-1970
6. Langaw sa Isang Basong Gatas at Iba Pang Kwento
7. Magkabilang Mukha ng Isang Bagol at Iba Pang Akda

Sabado, Marso 21, 2009

Hermenegildo Cruz: Biographer ni Francisco Balagtas, Lider-Manggagawa

Hermenegildo Cruz: 
Biographer ni Francisco Balagtas, Lider-Manggagawa
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming mahahabang tulang epiko ang Pilipinas, tulad ng Ibong Adarna, na hindi na nakilala kung sino ang maykatha. Kaya malaki ang dapat ipagpasalamat ng sambayanang Pilipino kay Hermenegildo Cruz upang makilala natin kung sino si Francisco Balagtas, ang makatang lumikha ng walang kamatayang Florante at Laura.

Noong 1906, isinulat, inilathala at ipinamahagi ni Hermenegildo Cruz ang kanyang maliit ngunit makapal na aklat na pinamagatang Kun Sino ang Kumatha nang “Florante”. Ito’y umaabot ng 220 pahina, kung saan ito ang siyang tangi at pinakamahalagang batayan ng buhay at sulatin ng kilalang makatang si Francisco Balagtas. Ang aklat na ito’y ibinenta ng Librería Manila Filatélico, na nasa Daang Soler sa Santa Cruz, Maynila.

Maraming mahahalagang detalye ang aklat na suportado ng mga opisyal na rekord, bagamat ang karamihan ay mula sa mga kwento at patunay mula sa mga indibidwal, anak, at kamag-anak ni Balagtas. Ang edisyon ni Cruz ng Florante at Laura ay inedit para sa kanya ng anak ni Balagtas na si Victor. Naroon din ang talaan ng mga kilalang komedya na kinikilalang sinulat ni Balagtas, at ang kanyang iba pang kinathang tula na binigkas niya sa malalaking piging. Pati na ang kanyang sayneteng La India Elegante y El Negrito Amante.

May mga malalalim na komentaryo din kay Balagtas at sa kanyang mga tula, at sa panitikang Tagalog at sa kultura sa kabuuan. Idinagdag pa ni Cruz na maunlad na ang kulturang Pilipino bago pa dumating ang mga Kastila kung ikukumpara sa pamantayan ng kanluran. Binigyang-diin pa ni Cruz ang mga sulatin ni Lewis Henry Morgan, isang US technologist na binabanggit ni Friedrich Engels sa kanyang aklat na Origin of the Family, Private Property and the State. Binanggit din ni Cruz si Antonio Morga na awtor ng Sucesos de las islas Filipinas na nalathala sa Mexico noong 1609.

Ayon kay Hermenegildo Cruz, unang nalathala ang Florante at Laura noong 1838, at mula noon hanggang 1906, labingdalawang edisyon na ang nalathala kung saan umabot ito sa 106,000 kopya (o maliit ng kaunti sa 9,000 kopya bawat edisyon).

Ipinanganak si Cruz noong Disyembre 31, 1880 sa San Nicolas, Binondo, Maynila mula sa mahirap na pamilya. Dahil sa kahirapan at maagang pagkamatay ng kanyang mga magulang, hindi siya agad nakapag-aral. Sa maagang gulang, nagtinda na siya ng tungkod, saranggola at dyaryo, habang sa gabi, nagsikap siyang mag-aral. Dahil sa kanyang pagsisikap, nakapagtrabaho siya bilang apprentice sa isang palimbagan, naging kompositor, proofreader, katulong ng manunulat, at sa kalaunan at naging isang manunulat.

Nakasama siya sa paglalathala ng La Independencia, ang rebolusyonaryong pahayagang pinamamatnugutan ni Heneral Antonio Luna, noong 1899. Nagsulat din siya ng iba’t ibang artikulo at editoryal sa mga pahayagang Tagalog at Kastila, kung saan ipinakita niya ang kanyang sigasig sa pagpapalaganap ng diwa ng kalayaan, pagtatama sa mga maling datos sa kasaysayan, at paglilinaw ng mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas.

Bilang tagahanga ng bayaning si Gat Andres Bonifacio, kanyang isinulat ang aklat na Kartilyang Makabayan noong 1922 bilang unang masinsinang pagtalakay sa kasaysayan ni Bonifacio at ng Katipunan. Kahit sa aklat na Kun Sino ang Kumatha nang Florante, nabanggit niya at ipinagtanggol si Bonifacio at ang Katipunan laban sa mga taong sumisira sa Rebolusyong 1896 at sa mahalagang papel na ginampanan ni Bonifacio.

Naging tagapagtatag at patnugot siya ng dalawang publikasyon sa mga unang taon ng pananakop ng mga Amerikano. Ito’y ang pahayagang Ang Mithi at ang magasing Katubusan. Magkasama rin sila ni Lope K. Santos sa serye ng mga artikulong sosyalista hinggil sa paggawa sa pahayagang Muling Pagsilang. Dito rin sa Muling Pagsilang nalathala ng serye noong 1905 ang unang nobelang sosyalista sa bansa, ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos, na naisaaklat noong 1906.

Isa siya sa mga tagapagtatag at naging kalihim ng Union Obrero Democratico (UOD) noong 1902. Isa siya sa mga alagad ni Isabelo delos Reyes, ang tinaguriang Ama ng Kilusang Paggawa sa Pilipinas, sa pagpapakalat ng diwang manggagawa sa bansa. Bilang isang tunay na lider-manggagawa, pinag-ukulan ni Hermenegildo Cruz ng buong panahon ang kilusang manggagawa sa Pilipinas. Inorganisa niya noong 1904 ang Union de Litografos y Impresores de Filipinas (ULIF). Siya rin ang unang pangulo ng Union de Impresores de Filipinas (UIF) na itinayo ni Crisanto Evangelista noong 1906. Noong Mayo 1, 1913, itinatag ang Congreso Obrero de Filipinas (COF), na siyang pinamalaking samahang manggagawa sa bansa ng panahong iyon, at unang pinamunuan ni Hermenegildo Cruz.

Bilang pagkilala sa kanyang mahahalagang ambag sa kilusang paggawa, naimbitahan siyang maglingkod sa pamahalaan at naitalaga bilang auxilliary Director of Labor noong 1918, naging interim Director of Labor noong 1922, at naging Director of Labor hanggang sa magretiro siya noong 1935. Pagkatapos noon, nagsilbi siya bilang technical adviser on labor matters kay Pangulong Manuel L. Quezon, at naging kinatawan din siya ng sektor ng paggawa sa National Sugar Board. Namatay siya sa Maynila noong Marso 21, 1943.

Mga pinaghalawan: (a) Chapter 1 ng aklat na Poet of the People: Francisco Balagtas and the Root of Filipino Nationalism, ni Fred Sevilla, at inilathala ng Philippine Centennial Commission; (b) aklat na Mga Tinig mula sa Ibaba ni Teresita Gimenez Maceda.