SA KAARAWAN NI HUSENG BATUTE
taospuso kaming nagpupugay
sa iyo, Batute, isang tagay
tanging masasabi naming tunay
sa iyo'y mabuhay ka, mabuhay!
ang una raw nalimbag mong tula'y
pinamagatang Pangungulila
na sinulat mo nang batang-bata
sa dyaryong Ang Mithi nalathala
makatang pumuna sa lipunan
nang tayo'y sakop pa ng dayuhan
tinula ang mithing kalayaan
naging hari pa ng Balagtasan
ang puso mo pala nang mamatay
sa isang museyo raw binigay
sa kalaunan ito'y nilagay
sa libingan ng mahal mong nanay
O, makatang Batuteng dakila
kami sa tula mo'y hangang-hanga
dahil sa matatalim na diwa
lalo ang paghahangad ng laya
- gregoriovbituinjr.
11.22.2022
* litratong kuha ng makatang gala nang siya'y dumalo sa unang National Poetry Day na ginanap sa Manila Metropolitan Theater, 11.22.2022
Martes, Nobyembre 22, 2022
Biyernes, Nobyembre 18, 2022
Stephen Crane, awtor
STEPHEN CRANE, AWTOR
nangunguna siya sa realistic fiction
pagdating sa panitikang Amerikano
ang kanyang nobela'y punung-puno ng aksyon
at kanyang mga kwento'y umaatikabo
"The Red Badge of Courage" ay kaygandang basahin
"one of the great war novels of all time" ang sabi
doon sa obra maestra ni Stephen Crane
talagang mahusay pag binasang mabuti
apat na kwento niya'y kasama sa aklat:
ang The Open Boat, The Blue Hotel, The Upturned Face
at The Bride Comes to Yellow Sky, mabibigat
na paksang isinulat niya ng makinis
siya'y makata, nobelista, mangangatha
dalawampu't walo ang edad nang mamatay
na sa literatura'y kayraming nagawa
masasabi ko'y taospusong pagpupugay
- gregoriovbituinjr.
11.19.2022
* Stephen Crane, mangangathang Amerikano, (Nobyembre 1, 1871 - Hunyo 5, 1900
Lunes, Marso 14, 2022
Ang makata
tinuring mang makatang isang kabig, isang tula
ako'y makata ng lumbay na madla'y di matuwa
dahil sa katotohanang nilalantad kong kusa
yaong nangyayari sa lipunan, kayraming paksa
hinggil sa tunggalian ng kapital at paggawa
hinggil sa labanan ng mga api't mararangya
hinggil sa debate ng mga tutula't tulala
sa pagitan ng mga tutol sa trapo't kuhila
hinggil sa mga kapitalista at manggagawa
hinggil sa pingkian ng kanilang espada't dila
hinggil sa tunggalian ng magkakaibang diwa
o sa labanan ng prinsipyadong obrero't wala
tusong burgesya laban sa mga kaawa-awa
maluluhong elitista laban sa maralita
pagsasamantala sa mga dukhang dapang-dapa
hangga't may hininga pa, ako'y tutula't tutula
tinuring mang makatang isang kabig, isang tula
o kaya'y manunulang isang kahig, isang tuka
di ko na hangad na sa tula ko, madla'y matuwa
mahalaga'y nagsisilbi sa manggagawa't dukha
- gregoriovbituinjr.
03.14.2022
Martes, Enero 25, 2022
Sino si Isaac Asimov?
SINO SI ISAAC ASIMOV?
Maikling saliksik, sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
“In life, unlike chess, the game continues after checkmate.”
― Isaac Asimov
May mangilan-ngilan din akong nabiling aklat ng kilalang awtor na si Isaac Asimov. Bata pa ako'y nakikita ko na ang kanyang mga aklat sa mga tinatambayan kong bookstore. Isa siyang kwentistang nasa genre ng agham, o sa ibang salita ay science fiction writer.
Subalit sino nga ba si Isaac Asimov at bakit kinagigiliwan ang kanyang mga akda ng iba't ibang tao sa buong mundo?
Si Isaac Asimov ay isang manunulat na Ruso-Amerikano. Pareho sila ng kurso ng ate kong panganay - biochemistry. Guro rin ng biochemistry si Asimov. Isa siya sa itinuturing na "Big Three" science fiction writers, kasama sina Robert A. Heinlein at Arthur C. Clarke. Isinilang siya noong Enero 2, 1920 sa Petrovichi, Russian SFSR, at namatay noong Abril 6, 1992 sa Manhattan, New York City, sa Amerika.
Nakabili na ako noon ng ilan niyang mga kwentong agham. Ang iba'y nasa hiraman at ilan ang nasa akin pa. Tulad ng nobela niyang The Caves of Steel na nabili ko sa BookEnds sa Lungsod ng Baguio noong Nobyembre 12, 2021, sa halagang P120.00, nasa 270 pahina, at ang aklat niya ng labimpitong sanaysay na The Relativity of Wrong, na nabili ko sa BookSale noong Oktubre 26, 2020, sa halagang P50.00, nasa 240 pahina.
Nag-aral siya sa Columbia University, nakamit ang kanyang Bachelor of Science degree, at natanggap ang kanyang PhD sa chemistry noong 1948. Nagtuturo siya ng biochemistry sa Boston University School of Medicine hanggang 1958, nang mag-pultaym siya sa pagsusulat.
Nagsimula siyang magsulat ng science fiction sa edad labing-isa. Nalathala ang kanyang unang maikling kwento noong 1938. Ang kanyang aklat ng science fiction na Pebble in the Sky ay inilathala ng Doubleday noong 1950. Hanggang sa patuloy siyang nagsulat ng iba't ibang paksa, tulad ng math, physics, at may 365 aklat siyang nailathala. Nakatanggap siya ng maraming honorary degrees at writing awards, tulad ng isang espesyal na award na kinikilala ang kanyang Foundation trilogy bilang "The Best All-Time Science Fiction Series". At kinilala rin siya ng Science Fiction Writers of America bilang Grandmaster of Science Fiction.
Dahil isa siya sa paborito kong manunulat, inalayan ko siya ng munting tula:
ISAAC ASIMOV, IDOLONG MANUNULAT
isa sa Big Three ng science fiction writers ang turing
kay Isaac Asimov, manunulat na kaygaling
sa kaibang panahon niya tayo nakarating
tulad ng kwento niyang robot ang ating kapiling
isa sa awtor na binabasa ko tuwing gabi
pagkat ang kanyang mga akda'y nakabibighani
manunulat na, propesor pa ng biochemistry
kaya kabisado ng may-akda ang sinasabi
nabasa ko na siya sa bookstore bata pa ako
tungkol sa teknolohiya't agham ang mga kwento
three laws of robotics ay sinulat niyang totoo
si Isaac Asimov, manunulat kong idolo
sinusubukan ko ring magsulat hinggil sa agham
ngunit dapat kong magbasa ng aklat at panayam
bakasakaling maisulat ang kwento kong asam
at magbigay-aliw sa madla't problema'y maparam
mabuhay ka! pagpupugay! Sir Isaac Asimov
pagkat kung magsulat ka'y talaga namang marubdob
binabasa ka, robot man ang sa mundo'y lumusob
taospusong pasalamat mula sa aking loob
- gregoriovbituinjr.
01.25.2022
Mga pinaghalawan:
About the Author, mula sa aklat na The Cave of Steel ni Isaac Asimov, p. 269
About the Author, mula sa aklat na The Relativity of Wrong ni Isaac Asimov, p. 239
https://lithub.com/what-to-make-of-isaac-asimov-sci-fi-giant-and-dirty-old-man/
https://www.goodreads.com/author/show/16667.Isaac_Asimov
https://www.nature.com/articles/d41586-020-00176-4
https://www.britannica.com/biography/Isaac-Asimov
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)