Sabado, Marso 21, 2009

Hermenegildo Cruz: Biographer ni Francisco Balagtas, Lider-Manggagawa

Hermenegildo Cruz: 
Biographer ni Francisco Balagtas, Lider-Manggagawa
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming mahahabang tulang epiko ang Pilipinas, tulad ng Ibong Adarna, na hindi na nakilala kung sino ang maykatha. Kaya malaki ang dapat ipagpasalamat ng sambayanang Pilipino kay Hermenegildo Cruz upang makilala natin kung sino si Francisco Balagtas, ang makatang lumikha ng walang kamatayang Florante at Laura.

Noong 1906, isinulat, inilathala at ipinamahagi ni Hermenegildo Cruz ang kanyang maliit ngunit makapal na aklat na pinamagatang Kun Sino ang Kumatha nang “Florante”. Ito’y umaabot ng 220 pahina, kung saan ito ang siyang tangi at pinakamahalagang batayan ng buhay at sulatin ng kilalang makatang si Francisco Balagtas. Ang aklat na ito’y ibinenta ng Librería Manila Filatélico, na nasa Daang Soler sa Santa Cruz, Maynila.

Maraming mahahalagang detalye ang aklat na suportado ng mga opisyal na rekord, bagamat ang karamihan ay mula sa mga kwento at patunay mula sa mga indibidwal, anak, at kamag-anak ni Balagtas. Ang edisyon ni Cruz ng Florante at Laura ay inedit para sa kanya ng anak ni Balagtas na si Victor. Naroon din ang talaan ng mga kilalang komedya na kinikilalang sinulat ni Balagtas, at ang kanyang iba pang kinathang tula na binigkas niya sa malalaking piging. Pati na ang kanyang sayneteng La India Elegante y El Negrito Amante.

May mga malalalim na komentaryo din kay Balagtas at sa kanyang mga tula, at sa panitikang Tagalog at sa kultura sa kabuuan. Idinagdag pa ni Cruz na maunlad na ang kulturang Pilipino bago pa dumating ang mga Kastila kung ikukumpara sa pamantayan ng kanluran. Binigyang-diin pa ni Cruz ang mga sulatin ni Lewis Henry Morgan, isang US technologist na binabanggit ni Friedrich Engels sa kanyang aklat na Origin of the Family, Private Property and the State. Binanggit din ni Cruz si Antonio Morga na awtor ng Sucesos de las islas Filipinas na nalathala sa Mexico noong 1609.

Ayon kay Hermenegildo Cruz, unang nalathala ang Florante at Laura noong 1838, at mula noon hanggang 1906, labingdalawang edisyon na ang nalathala kung saan umabot ito sa 106,000 kopya (o maliit ng kaunti sa 9,000 kopya bawat edisyon).

Ipinanganak si Cruz noong Disyembre 31, 1880 sa San Nicolas, Binondo, Maynila mula sa mahirap na pamilya. Dahil sa kahirapan at maagang pagkamatay ng kanyang mga magulang, hindi siya agad nakapag-aral. Sa maagang gulang, nagtinda na siya ng tungkod, saranggola at dyaryo, habang sa gabi, nagsikap siyang mag-aral. Dahil sa kanyang pagsisikap, nakapagtrabaho siya bilang apprentice sa isang palimbagan, naging kompositor, proofreader, katulong ng manunulat, at sa kalaunan at naging isang manunulat.

Nakasama siya sa paglalathala ng La Independencia, ang rebolusyonaryong pahayagang pinamamatnugutan ni Heneral Antonio Luna, noong 1899. Nagsulat din siya ng iba’t ibang artikulo at editoryal sa mga pahayagang Tagalog at Kastila, kung saan ipinakita niya ang kanyang sigasig sa pagpapalaganap ng diwa ng kalayaan, pagtatama sa mga maling datos sa kasaysayan, at paglilinaw ng mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas.

Bilang tagahanga ng bayaning si Gat Andres Bonifacio, kanyang isinulat ang aklat na Kartilyang Makabayan noong 1922 bilang unang masinsinang pagtalakay sa kasaysayan ni Bonifacio at ng Katipunan. Kahit sa aklat na Kun Sino ang Kumatha nang Florante, nabanggit niya at ipinagtanggol si Bonifacio at ang Katipunan laban sa mga taong sumisira sa Rebolusyong 1896 at sa mahalagang papel na ginampanan ni Bonifacio.

Naging tagapagtatag at patnugot siya ng dalawang publikasyon sa mga unang taon ng pananakop ng mga Amerikano. Ito’y ang pahayagang Ang Mithi at ang magasing Katubusan. Magkasama rin sila ni Lope K. Santos sa serye ng mga artikulong sosyalista hinggil sa paggawa sa pahayagang Muling Pagsilang. Dito rin sa Muling Pagsilang nalathala ng serye noong 1905 ang unang nobelang sosyalista sa bansa, ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos, na naisaaklat noong 1906.

Isa siya sa mga tagapagtatag at naging kalihim ng Union Obrero Democratico (UOD) noong 1902. Isa siya sa mga alagad ni Isabelo delos Reyes, ang tinaguriang Ama ng Kilusang Paggawa sa Pilipinas, sa pagpapakalat ng diwang manggagawa sa bansa. Bilang isang tunay na lider-manggagawa, pinag-ukulan ni Hermenegildo Cruz ng buong panahon ang kilusang manggagawa sa Pilipinas. Inorganisa niya noong 1904 ang Union de Litografos y Impresores de Filipinas (ULIF). Siya rin ang unang pangulo ng Union de Impresores de Filipinas (UIF) na itinayo ni Crisanto Evangelista noong 1906. Noong Mayo 1, 1913, itinatag ang Congreso Obrero de Filipinas (COF), na siyang pinamalaking samahang manggagawa sa bansa ng panahong iyon, at unang pinamunuan ni Hermenegildo Cruz.

Bilang pagkilala sa kanyang mahahalagang ambag sa kilusang paggawa, naimbitahan siyang maglingkod sa pamahalaan at naitalaga bilang auxilliary Director of Labor noong 1918, naging interim Director of Labor noong 1922, at naging Director of Labor hanggang sa magretiro siya noong 1935. Pagkatapos noon, nagsilbi siya bilang technical adviser on labor matters kay Pangulong Manuel L. Quezon, at naging kinatawan din siya ng sektor ng paggawa sa National Sugar Board. Namatay siya sa Maynila noong Marso 21, 1943.

Mga pinaghalawan: (a) Chapter 1 ng aklat na Poet of the People: Francisco Balagtas and the Root of Filipino Nationalism, ni Fred Sevilla, at inilathala ng Philippine Centennial Commission; (b) aklat na Mga Tinig mula sa Ibaba ni Teresita Gimenez Maceda.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento