Huwebes, Hulyo 30, 2009

Amado V. Hernandez: Lider-Manggagawa, Manunulat, Makata at National Artist

AMADO V. HERNANDEZ
Lider-Manggagawa, Manunulat, Makata,
at Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan

“Sa aking piita’y hindi pumupurol ang lumang panulat, / bawa’t isang titik, may tunog ng punlo at talim ng tabak.” — Amado V. Hernandez, “Bartolina”

Sinaliksik at sinulat ni Gregorio V. Bituin Jr.

ISA SIYA sa kinikilalang dakilang Pilipino ng ating bansa. Siya’y isang manunulat, nobelista, makata, lider-manggagawa, at bilanggong pulitikal. Siya ng kanyang asawang si Atang dela Rama ang isa sa dalawang mag-asawa na kinikilalang National Artist ng Pilipinas.

Bata pa siya ay kinakitaan na siya ng hilig sa pagsusulat. Nang lumaon ay naging tanyag siya sa larangang ito. Mula 1926 hanggang 1932, sinubaybayan ng marami ang kanyang kolum na “Sariling Hardin”. Noong 1929, hinamon siya ng kanyang kaibigang makata na si Jose Corazon de Jesus sa debate sa balagtasan. Ang kay de Jesus ay nakalathala sa pang-araw-araw niyang kolum na “Mga Lagot na Bagting ng Kudyapi” sa pahayagang Taliba, habang ang kay Ka Amado naman ay sa kolum niyang “Sariling Hardin” sa pahayagang Pagkakaisa. Tumagal nang mahigit isang buwan ang kanilang makasaysayang Balagtasan hinggil “sa lumang usapin ng lahi”. Makaraan ang sampung taon, muling inilathala ito sa pahayagang Mabuhay Extra ni Teodoro Agoncillo na siyang editor nito.

Bilang manunulat, marami siyang natanggap na gawad-pagkilala. Noong 1938, ang kanyang narrative poem na Pilipinas ay nanalo ng Commonwealth Literary Award. Ang kanyang nobelang Mga Ibong Mandaragit ay nanalo ng Balagtas Award mula sa Cultural Center of the Philippines (CCP). Noong 1962, ang koleksyon ng tula na Isang Dipang Langit ay nanalo ng Republic Cultural Heritage Award. Ang tulang-kasaysayan na Bayang Malaya ay nanalo ng Balagtas Award noong 1969. Ang kanyang nobelang Mga Ibong Mandaragit ay maituturing na pagpa-patuloy ng nobelang El Fili ni Rizal.

Bilang mamamahayag, nakasama siya sa nabuong Philippine Newspapers Guild (PNG) noong 1945, na umanib sa Congress of Labor Organizations (CLO). Naging pangulo si Ka Amado ng CLO noong 1947.

Sa kanyang pamumuno, pinangunahan ng CLO ang welga ng 2,600 mga mang-gagawa mula sa Manila Trading and Supply, Co., Canlubang Sugar Estate, Metram Gomtawco Sawmill, Republic Sawmill, atbp. Noong 1948, sa pangunguna muli ng CLO, nag-aklas muli ang mga mang-gagawa sa malalaking kumpanya tulad ng Philippine Refining Co., Benguet Consolidated Mines, Luzon Brokerage, atbp. Nagawa rin nito ang kauna-unahang “stay-in” strike sa Franklin Baker, isang kumpanyang Amerikano. Noong 1949, may 83 welgang naisagawa, kung saan sa taon ding ito inilunsad ang ikaapat na Kongreso ng CLO, na ang kanilang gi-namit na islogan ay “Manggagawa at Seguridad!” at “Ibagsak ang Imper-yalismo!” Noong 1950 ay nagwelga ang 38,000 manggagawa.

Ang kamalayang pampulitika ng manggagawang kasapi ng CLO ay nasustina sa kanilang binuong “Workers Institute” na pinamahalaan ng Komite sa Edukasyon, Impormasyon at Panana-liksik.

Dahil sa kanyang pagiging aktibo at pagtataguyod sa kapakanan ng manggagawa, noong Enero 26, 1951, hinuli at ikinulong si Ka Amado. Limang buwang inkomunikado si Ka Amado sa Camp Murphy (ngayo’y Camp Aguinaldo) bago naiharap ang pormal na sakdal sa kanya noong Agosto 1951 sa salang “rebellion complexed with other crimes”. Ibinaba ang hatol na nagkasala si Ka Amado kaya’y siya’y nakulong ng limang taon at anim na buwan. Palipat-lipat siya ng kulungan sa Muntinlupa, Camp Murphy, Camp Crame, Fort McKinley, at Panopio Compound. Sa kulungan niya isinulat ang kanyang koleksyon ng mga tula, ang “Isang Dipang Langit”.

Noong Hulyo 26, 1956, pansamantala siyang nakalaya sa bisa ng lagak (bail), at noong Mayo 31, 1964, si Ka Amado ay napawalang sala.

Mula 1958 hanggang 1961, nakatanggap siya ng apat na Palanca Awards sa kanyang mga isinulat na dula.
Noong 1965, dumalo siya sa kumperensya ng mga mamamahayag na Asyano sa Indonesia, at nalathala ang kanyang ulat hinggil dito sa Taliba, kung saan nanalo siya ng NPC-Esso Journalism Award. Noong 1966, dinaluhan naman niya ang Afro-Asian Writers meeting sa Tsina. 1966 din nang dumalo siya sa International War Crimes Tribunal sa London kung saan ipinagtanggol niya ang Pilipinas sa bintang na ang kanyang bansa ay isang “war criminal” sa Biyetnam.

Noong 1967, tumakbo siyang konsehal ng Maynila ngunit natalo. Nagsulat siyang muli at naging editor ng Ang Masa.

Si Ka Amado ay namatay sa atake sa puso noong Marso 24, 1970. Noong 1973, iginawad sa kanya ang karangalan bilang Pambansang Alagad ng Sining (National Artist for Literature) ng Pilipinas.

Ilan sa kanyang mga isinulat ay ito:
1. Bayang Malaya (Tulang Kasaysayan)
2. Mga Ibong Mandaragit (Nobelang Sosyo-Politikal)
3. Isang Dipang Langit (Koleksyon ng Tula)
4. Luha ng Buwaya (Nobelang Sosyo-Politikal)
5. Tudla at Tudling: Katipunan ng Tula 1921-1970
6. Langaw sa Isang Basong Gatas at Iba Pang Kwento
7. Magkabilang Mukha ng Isang Bagol at Iba Pang Akda

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento